Mahirap ang buhay pero TRIPLE itong mahirap para sa mga matanda na, mahirap pa, AT may kapansanan pa. Gaya ni Lolo “Pink” na sinabayan kong tumawid sa kalsada. Kaya sana wag natin tularan ang mga hindi umuunawa sa kanila. Gaya ng walang pasensiyang driver ng puting sasakyan na busina nang busina ng malakas kasi mabagal tumawid ang lolong pilay. Tulungan, unawain at protektahan natin ang ating kapwa, lalo na ang mga matanda at may kapansanan tulad ni Lolo Pink.
Simulan natin sa umpisa ang kuwento: Naghahanap ako ng botikang mabibilan ko ng gamot noong Lunes sa Cubao. Tatawid na sana ako pabalik sa Farmers Plaza galing sa Puregold nang may makita akong matandang lalaki na nakasuot ng pink na T-shirt. Napansin kong balak bumaba ng lolo mula sa mataas na bangketa, at dahil mag-isa siya, nag-iisip ako ng paraan kung paano ko siya aalalayan habang pinapanatili ang social distancing. Nagulat ako nang bigla siyang matagumpay na nakahakbang pababa at nagsimulang tumawid sa pedestrian lane habang iika-ika. Humabol ako sa kanya para masabayan ko siyang tumawid. Pumuwesto ako sa gilid niya para parahin ang mga sasakyan habang tumatawid siya (feeling traffic enforcer lol). Halos mangangalahati na kami ni Lolo Pink sa pagbaybay sa pedestrian lane nang may isang malaking puting sasakyang na malakas na bumusina nang bumusina sa amin. Lumingon ako at naaasar kong sinabi: “Nakita niyong may matandang tumatawid o!” Hindi ako nagmura. Hindi ako sumigaw. Pero OO, galit ako. Ewan ko kung narinig ako ng driver sa loob ng kanyang di-aircon na sasakyan. Pero siguro nakita niya yung palad kong naka-”stop sign” na lalo kong tinutok sa direksyon niya kasi tumigil din naman siya. Nakatawid kami nang ligtas ni Lolo Pink. Tinanong ko ang lolo kung ano ang pangalan niya at kung bakit wala siyang kasama pero tila di niya ako naririnig at patuloy na naglalakad palayo. Siguro ay may kapansanan din siya sa pandinig o di kaya’y sa pag-iisip (kaya Lolo “Pink” na lang ang tawag ko sa kanya dahil di ko nakuha ang tunay niyang pangalan).
Habang pinapanood ko siyang maglakad nang pa-ika-ika palayo ay di pa rin mawala sa dibdib ko ang lungkot at galit, ginhawa at pangamba na nararamdaman. Lungkot at galit kasi di ko pa rin maintindihan kung bakit may mga taong di man lang kayang pagbigyan o pagpasensiyahan o unawain ang mga katulad ni Lolo Pink, lalo ngayong panahon ng pandemya na lalong hirap sa buhay ang mga kagaya niya. May ginhawa ng loob kasi buti na lang at nasabayan ko si Lolo Pink sa pagtawid, dahil kung hindi ay posibleng nabundol siya at napabilang sa mga napapabalitang biktima, hindi mismo ng COVID-19, kung di ng kahirapan sa lipunan na dulot nito. Pero may pangamba rin ako: paano sa susunod na pagtawid ni Lolo Pink? Paano kung walang ibang tumulong sa kanya? Kahit pinilit ko nang ibalik ang ngiti sa aking mukha, ipagpatuloy ang buhay. at gawin ang mga dapat kong gawin noong araw na iyon, di tuluyang mawala sa isipan ko si Lolo Pink.
Bakit ko ito kinukuwento? Hindi para ipamukha na mabait ako at masama ang tsuper ng puting sasakyan (nagpasya ako na wag nang ilarawan ng husto ang sasakyan kasi di ko naman layunin na mapahiya yung driver, sa pag-asang baka magbago siya). Wala sa ating perpekto, lalong-lalo na ako. Pero siguro naman kahit di tayo perpekto, marami (sana) sa atin ang hindi matitiis na isipin ang kalagayan ng mga tulad ni Lolo Pink, lalo kung nasa harapan na mismo natin sila.
Sa totoo lang, kahit wala pang pandemya, kung may makita akong matanda na mag-isa, sinusubukan kong tumulong sa maliit na paraan, kahit sa simpleng pagsama sa kanilang tumawid o magbigay ng konting makakain. Naiisip ko kasi na ganito rin ang gusto kong gawin ng ibang tao sa mga magulang at sa mga lola at lolo ko kung sakaling sila ang nasa ganitong sitwasyon. Kahit mahilig ako mag-post noon tungkol sa ibang bagay, hindi ko nakagawian dati na mag-post tungkol sa mga pagkakataong tumutulong ako o kami ng mama ko (mas lalong matulungin ang nanay ko sa akin), kasi di naman na kailangan. Noon.
Pero sa pagkakataong ito, kailangan kong magsalita para ipaalala ito sa lahat: Mas vulnerable LALO ang mga matanda, mahirap at may kapansanang kababayan natin sa panganib sa panahong ito na kumakalat ang coronavirus. Lalo na dahil hindi sila lahat nabibigyan ng sapat na suporta at pangangalaga dito sa ating bansa.
Kinuwento ko ito para makiusap sa inyong mga kapwa ko Pilipino, kakilala ko man kayo o hindi, tungkol sa mga saloobin kong ito:
1) Kung may makita tayong matanda o may kapansanan na nangangailangan ng tulong, tulungan sana natin sila sa ating maliit na paraan. May kapasidad man tayo mag-outreach o hindi, marami man tayong pera o wala, maaari tayong tumulong sa mga tao sa ating paligid. Hindi man natin matutulungan ang lahat ng tao, puwede naman tayong tumulong kahit sa isang tao. Hindi man ito malaking bagay para sa atin, malaking bagay ito para sa isang tao na pinipilit lumaban upang manatiling buhay ngayong pandemya.
2) Kung gusto natin tumulong, pero wala tayong pagkakataon o kapasidad para gawin ito sa ngayon (at nauunawaan ko ito kasi ako mismo ay na-fru-frustrate dahil hindi ako makatulong sa malaki at malawakang paraan na nais ko sanang gawin dahil sa mga personal na limitasyon), bigyan na lang natin ang ating kapwa ng pagkakataon na mag-survive sa pamamagitan ng pag-unawa sa kanila. Pakiusap lang sa lahat ng mga nagmamaneho: Kapag may nakita kayong taong tumatawid, lalo na kung may edad na siya o may kapansanan, sana ay pagbigyan po natin sila. Maliit na bagay lang ito, pero ang pasensiya niyo ay puwedeng magligtas ng buhay.
Pakiusap lang. Please. Alang-alang kay Lolo Pink at sa napakaraming katulad niya sa Quezon City, sa Metro Manila, at sa buong Pilipinas. Alang-alang din sa respeto at takot sa Diyos na lumikha ng lahat ng tao, mayaman man o mahirap. Maraming salamat po.
“Titindig kayo sa harap ng may uban at igagalang ninyo ang mukha ng matanda, at katatakutan ninyo ang inyong Diyos: Ako ang Panginoon.” (Levitico 19:32)
#HelpTheElderlyAndPWD #CompassionForTheElderly #CompassionForPWD #Elderly #PWD #Help #Compassion #Understanding #GCQ #StopTheCoronavirusFireFromSpreading #MassTestingNow #MassTestingPH #Philippines #Pilipinas #2020 #ECQ #MECQ #COVID19 #Coronavirus #LockdownDiary2020 #Lockdown #ExpressDontRepressYourRealFeelings #RealTalk #MagpakatotooKa #Prayer #LaurenVMacaraeg
Blog Post Title: Lolo “Pink”: #HelpTheElderlyAndPWD
URL Link: http://laurenvmacaraeg.com/2020/06/17/lolo-pink-helptheelderlyandpwd/
Written by: Lauren V. Macaraeg ✏️
Photo by: Lauren V. Macaraeg 📸
Date of Story & Photo: June 15, 2020
Date Posted: June 17, 2020