HINDI. TAYO. OKAY. MAGPAKATOTOO PARA SA TOTOONG PAGBABAGO NG PILIPINAS.

Hindi. Tayo. Okay. Habang ang mga simpleng taong gaya ni Mang Dodong ay pinaparusahan imbis na tinutulungan, samantalang ang ibang “matataas” na tao ay malayang gawin kahit anong gusto nila, paano tayo magiging okay? At hanggang sa magkaroon ng tunay na hustisya at pagkakapantay-pantay sa ating bansa, hinding-hindi tayo magiging okay. Magpakatotoo para sa totoong pagbabago ng Pilipinas.

Ang mukha ni Mang Dodong ay di mawala-wala sa isipan ko. Mula nang lumabas ang balita tungkol sa matandang fish vendor na dinakip dahil wala siyang travel pass at inakalang siya ay nawawala, di maiwasang magtaka at mag-alala: Kamusta na kaya siya? Buhay pa kaya siya? Na-salvage na kaya siya? May pag-asa pa kayang makita siya ulit?

At nalaman nating nakulong pala siya dahil sa “ECQ violation”. Marami sa atin ang parang nabunutan ng tinik nang malamang nakalaya at nakauwi na si Joseph Jimeda (a.k.a. Mang Dodong) sa wakas sa kanyang pamilya. Nakakagaan ng loob malaman na kapiling na niya muli ang kanyang mahal na asawa at anak.

Pero naroon pa rin ang pangamba. Paano sa susunod na pakikipagsapalaran ni Mang Dodong at ng marami pang ibang kagaya niya na mahirap: walang pera, walang kapangyarihan at walang koneksiyon? Hindi siya ang una at hindi rin siya ang magiging huli na mapipilitang lumabas at maghanap-buhay kahit na ECQ, MECQ, GCQ at kung anu-ano pang Q. Hindi siya ang una at hindi rin siya ang magiging huli na kailangang harapin ang panganib ng COVID-19 at ang mas malaking panganib ng kawalan ng katarungan at karahasan sa ating lipunan.

Paano na sila?

Paano na tayo?

Nauunawaan ko naman ang mga nagsasabi na dapat ay maging positibo tayo kahit sa gitna ng pandemya na dulot ng coronavirus. May punto rin naman sila. Totoong kailangan natin gawin ang makakaya natin para wag tuluyang malugmok at mawalan ng pag-asa. Kailangan din nating piliting ituloy at itawid ang araw-araw na pamumuhay alang-alang sa ating pamilya, sa ating sarili, sa ating kapwa, at sa ating bayan na maaari nating tulungan sa ating maliit o malaki na paraan.

Pero pakiusap lang po na wag nating gamitin ang pagiging positibo bilang band-aid para tapalan ang malalim na sugat ng ating bansa. Kapag ba ang tao ay may sugat na nagnanana, sapat na bang dikitan ito ng band-aid para gamutin ito? Huwag natin gamitin ang pagiging positibo bilang blindfold para magbulag-bulagan sa pagkalugmok ng ating bansa. Kapag may tao ba na nakasalampak sa lupa, sapat ba na kunyari ay di natin siya nakikita para makabangon siya? Oo, tunay ngang may mga magandang bagay rin na dinulot ang pandemya pero tunay na tunay rin ang hirap na dinaranas ng ating mga kababayan. Wala namang masama na magdasal at maging positibo. Pero wala rin namang masama sa pagharap sa katotohanan. Hindi ito pagiging negatibo, kung di pagiging realistic. Bakit ito mahalaga? Dahil ang pagtanggap natin sa tunay na sitwasyon ng Pilipinas ang magiging unang hakbang para baguhin ito.

Huwag nating kalimutan ang kuwento ni Mang Dodong. At huwag nating kalimutan na magpakatotoo para sa totoong pagbabago ng isang lipunang desperadong nangangailangan nito. Kaawaan tayo ng Diyos.

#HindiTayoOkay #MagpakatotooParaSaTotoongPagbabagoNgPilipinas #Philippines #Pilipinas #2020 #ECQ #MECQ #COVID19 #Coronavirus #LockdownDiary2020 #Lockdown #ExpressDontRepressYourRealFeelings #RealTalk #MagpakatotooKa #Prayer #LaurenVMacaraeg

Blog Post Title: HINDI. TAYO. OKAY. MAGPAKATOTOO PARA SA TOTOONG PAGBABAGO NG PILIPINAS.

URL Link: http://laurenvmacaraeg.com/2020/05/26/hindi-tayo-okay-magpakatotoo-para-sa-totoong-pagbabago-ng-pilipinas/

Written by: Lauren V. Macaraeg ✏️

Original Photo by: Vincent Go via OneNews 📸 (Image Text by: Lauren V. Macaraeg)

Date Posted: May 26, 2020

About the author

Lauren V. Macaraeg

Lauren V. Macaraeg is a children's book author and freelance writer. Check out her official website at www.laurenvmacaraeg.com to learn more about Lauren and her book Sinemadyika.

View all posts

Leave a Reply