NANGANGAMBA. NAGLULUKSA. UMAASA. #COVID19 #LOCKDOWN

Nangangamba. Nagluluksa. Umaasa.

Nangangamba. Paano pag na-stroke o na-atake sa puso o nagka-COVID 19 ang nanay ko o ako? Paano kami pupunta sa ospital? Wala kaming sasakyan. Walang transportasyong pampubliko. At kung milagrong makarating sa ospital, anong ipapambayad namin sa mahal na bill? Isa lang ito sa maraming bumabagabag sa isip ko ngayong lockdown kahit na pinipilit naming mamuhay ng normal. Oo, ayos lang kami ngayon. Pero paano bukas? Pero habang nangangamba ay di ko rin maiwasang magluksa. Sapagkat kung nahihirapan kami, alam kong mas marami pang nahihirapang iba.

Nagluluksa. Sa bawat taong mabalitaan kong namatay, kakilala ko man o hindi, COVID-19 man ang sanhi o hindi, parang may namamatay din na kung ano sa loob ko. Sa bawat numero, na hindi numero kung hindi tao, na nadadagdag sa bilang ng may sakit na coronavirus, parang nakakapanghina. Sa bawat taong makita kong nagugutom o nasasaktan o desperado, naiiyak ako sa frustration kasi gusto ko silang tulungan lahat-lahat pero napaka-limitado lang ng puwede kong magawa. Sa bawat taong matuklasan kong pinapatay ng walang saysay, yung hindi nga nadali sa coronavirus pero nadali sa bala, hindi ko maintindihan kung bakit mas may puso pa ang ibang hayop kaysa sa ibang tao. Sa bawat tao na mabalitaan kong inaabuso ang kapangyarihan nila sa panahong dapat ay tinutulungan nila ang mga taong pinangakuan nilang pagsisilbihan, gusto kong suntukin ang pader. ANO KAYO?! Nagluluksa para sa isang bansa kung saan kailangan ng mga mamamayan gumawa ng paraan para sa sarili, sa kanya-kanyang pamilya at para sa kapwa, para sa isa’t isa, kasi kahit meron din ilang mga lider na totoong may malasakit at totoong kumikilos, hindi pa rin sapat ito para matulungan lahat ng nangangailangan ng tulong.

Umaasa. Sa totoo lang, gusto ko na minsan mawalan ng pag-asa. May mga araw na parang bangungot ang ECQ na ito. May mga araw naman na mas masaya at maayos ako… pero parang nakaka-guilty rin kasi alam kong napakaraming namamatay at nagkakasakit sa buong mundo. Pero tila parang makulit na IPIS ang pag-asa na nilagay ni Lord sa puso ko. Ipis na inaapak-apakan mo pero ayaw mamatay-matay. Salamat na lang sa ipis na ito dahil binibigyan ako nito ng lakas para lumaban. Lumaban na mabuhay sa panahon na puno ng kamatayan. Lumaban na ngumiti pagkatapos kong diligan ng luha ang unan ko gabi-gabi. Lumaban na gumalaw kahit na pakiramdam ko ay wala akong silbi sa pamilya, sa lipunan. Lumaban na tulungan ang nanay kong pagod kahit sobrang pagod at bagsak na ng katawan ko, kahit parang sasabog na ang ulo at dibdib ko sa lakas ng palpitations. Lumaban na magbigay ng konting saya sa iba kahit ang sarili kong saya ay nauubos na. Lumaban na kumanta at gumawa ng musika ngayong pakiramdam ko na di sapat ang mga simpleng salita. Lumaban na iparamdam sa iba na di sila nag-iisa kahit pakiramdam ko’y ako’y nag-iisa. Lumalaban na ipatuloy ang mga komunikasyon sa iba kahit gusto mo minsan ay umalis na. Lumaban na magmahal sa pamilya, kaibigan at iba pa kahit minsan ay nakakapagod magmahal, kahit minsan pakiramdam mo ay para kang t@ng@. Lumaban dahil sa pagmamahal sa aking mga magulang, mga mahal sa buhay at mga alagang pusa na palakasin ang sarili kahit nanghihina na sa sobrang pagod ng katawan, isip at kaluluwa. Lumaban alang-alang sa aking nanay at tatay at sa mga kapamilya, kaibigan at pusa na tunay na nagmamahal sa akin. Lumaban alang-alang sa mga magigiting na frontliners na itinataya ang buhay nila para tayo ay may pagkakataon mabuhay pa. Lumaban na maging mabuting tao alang-alang sa napakaraming bagong bayani sa panahong ito na nagmamalakasakit sa iba kahit na puwedeng sarili na lang nila ang kanilang isipin. Lumaban na bigyang saysay ang buhay ko alang-alang sa alaala ng mga sumalangit na taong binawain na ng buhay… kahit di ko maintindihan kung bakit ako ay buhay pa at sila ay hindi na. Lumaban na maging totoo sa sarili ko at sa aking tunay na nararamdaman habang napapaligiran ng mga taong napakabuti ngunit sa kabila ng kanilang magandang intensiyon ay hindi sila komportable sa iyong totoong emosyon at gusto ay mga salitang banal o positibo lamang ang maririnig mula sa iyo. Lumalaban na kilalanin ang sarili kong kahinaan at kasalanan sapagkat ito lang ang paraan para magamot at mahilom ni Hesus ang kaluluwa kong basag. Lumalaban na harapin ang sariling kadiliman sapagkat ito lang ang paraan para muling hatakin at ibalik ng Diyos sa kanyang liwanag. Lumalaban para sa Panginoon, kahit hindi ko laging maintindihan ang mga plano Niya, kung bakit kailangan nating pagdaanan ang pandenmyang ito at kung bakit, BAKIT napakaraming mabuting tao ang kailangang mamatay sa isang iglap. Lumaban na patuloy maniwala, manampalataya at umasa, hindi dahil naiintindihan ko ang isip Niya, kung hindi dahil kilala ko ang walang kasing buting puso Niya.

Nangangamba. Nagluluksa. Umaasa. Repeat.

– Lauren V. Macaraeg (May 3, 2020)

#LockdownDiary2020 #Lockdown #COVID19 #Coronavirus #ECQ #ExpressDontRepressYourRealFeelings #Grief #Worry #Hope #Honesty #RealTalk #MagpakatotooKa #MentalHealth #Philippines #2020

#LaurenVMacaraeg #MamaUniAndLauren #CutiengsCats #Family #GodWithUs #AllForHim

Blog Post Title: NANGANGAMBA. NAGLULUKSA. UMAASA. #COVID19 #LOCKDOWN

URL Link: http://laurenvmacaraeg.com/2020/05/03/nangangamba-nagluluksa-umaasa-covid19-lockdown/

Written by: Lauren V. Macaraeg ✏️

Watercolor Pencil Artwork by: Lauren V. Macaraeg 🎨 (Ang sabog ng artwork ko pero okay na rin kasi terno sa pagkasabog ng utak ko ngayon 😂 )

*

Hi! I’m Lauren V. Macaraeg, a children’s book author, freelance writer, cat lover & music lover. Subscribe to my YouTube Channel and other official channels to be part of my adventures with Mama Uni, Cutiengs Cats, family, friends & readers in the world of books and beyond. Meowhugs! Cutiengs Cats, family, friends & readers in the world of books and beyond. Meowhugs! ✏️😻❤️🐈💃🎵

LAUREN V. MACARAEG OFFICIAL:

Official Website & Blog: http://www.laurenvmacaraeg.com

YouTube: Lauren V. Macaraeg https://www.youtube.com/channel/UCR0Gd0zEslwN97QH9LV2Duw

Goodreads: https://www.goodreads.com/laurenvmacaraeg

Facebook: https://www.facebook.com/laurenvmacaraegauthor

Instagram: https://www.instagram.com/laurenvmacaraegauthor

About the author

Lauren V. Macaraeg

Lauren V. Macaraeg is a children's book author and freelance writer. Check out her official website at www.laurenvmacaraeg.com to learn more about Lauren and her book Sinemadyika.

View all posts

Leave a Reply